Wednesday, August 27, 2008

Speech: Gabriela

GPV SPEECH
GABRIELA – U.P. - Diliman
July 25, 2008


Una sa lahat, buong-puso kong binabati ang GABRIELA, sa patuloy na pakikibaka para sa kabutihan ng mga Filipina at ng ating inang bayan.
Ang sabi ni Rizal, ‘nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.’ Ito ay nakikita kong totoo, sa katauhan ng mga kabataang narito ngayon. Kayat lubos ang aking pagbati sa mga responsableng ‘iskolar ng bayan’, na laging mulat at handang manindigan para sa katarungan.
Isang malaking karangalan po para sa akin ang makapiling kayo ngayong hapon.
Bilang ina, ang mga sektor ng kabataan at kababaihan ang pinakamalapit sa aking puso. Kaya nang magkaroon ako ng pagkakataong maglingkod, agad kong inasikaso ang kaawa-awang sektor ng ating lipunan—ang mga abused women at mga streetchildren.
Hindi n’yo naitatanong, noon pa mang Pangulo ako ng Congressional Spouses Foundation (mula 1992-1998, 2001-2007 at July, 2007to Feb, 2008), na binubuo ng mga maybahay ng mga kongresman, hinikayat ko ang lahat ng partidong politikal na magsama-sama--- kanan man ito, gitna o kaliwa, upang maisulong ang mga programa para sa pinakamahinang sektor ng ating lipunan --- ang mga abused women at mga streetchildren.
Dahil dito, naitayo po namin ang 16-building complex sa Ayala-Alabang na The Haven for Children, at ang 15 Regional Centers for Women sa lahat ng rehiyon ng ating bansa para sa rehabilitation ng mga kababaihang biktima ng pang-aapi, rape, prostitusyon, illegal recruitment at pambubugbog.
Ang pagtalikod sa ‘divisive politics’ ang siya ring formula kaya namin naitayo ang The Haven for Children sa Alabang, isang institusyon na binubuo ng siyam na gusali ---- may dormitoryo, klinika at paaralan, para sagipin ang mga batang-lansangan sa Metro Manila.
Nakapagtayo din po kami ng tatlong Regional Centers for Children sa Tarlac City, Dagupan City at Solana, Cagayan.
Salamat na lang at akin ding nasimulan at napondohan na ng aking asawa na si JDV bago siya inalis na Speaker, ang ikatlong proyekto ng CSFI -------- ang 20-building complex na The Haven for the Elderly para naman sa mga inabandonang senior citizens. Ang pasilidad na ito ay may kakayahang mag-alaga ng 600 senior citizens at a given time, sa maaliwalas na kapaligiran ng Tanay, Rizal.
Bago ako nagpaalam bilang chairman ng congressional spouses, nagawa kong matapos ang dalawang gusali nito, at ang pagtatapos ng proyekto ay ibinilin ko na lamang sa DSWD.
Upang makagawa ng tunay na kabutihan, mahalaga na ang isang lider ay may mababang loob, at uunahin ang kapakanan ng bayan.
Nakakalungkot na ang mga katangiang ito ay hindi makikita kay GMA.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit, makalipas ang walong taon sa posisyon, ang tanging legacy ni GMA ay ang paglalagay sa Pilipinas sa mapa bilang isa sa pinaka-corrupt na gobyerno ayon sa report ng World Bank at ADB, na siyang sanhi ng pagiging pinaka-unpopular niyang presidente ng ating bansa, mula nang maibalik ang demokrasya.
Marahil, hindi kaila sa inyo, ang dinanas na kabiguan ng aming pamilya mula nang magdesisyon kami at ang anak naming si Joey, na manindigan para sa katotohanan, upang hindi mabaon sa utang ang masang Pilipino dahil sa ZTE deal.
Nagsimula po ito nang ipagtapat ni Joey sa amin ang tungkol sa labinglimang bilyong piso na magiging utang ng ating bansa, kung natuloy ang ZTE deal ni GMA.
Si Joey po ay isa sa mga nagnais na gumawa ng Broadband project sa pamamagitan ng Build- Operate- Transfer, kung saan walang gastos ang pamahalaan kahit singko.
Noong una, pabor si GMA sa B-O-T, pero sa isang iglap, nagbago po ang kanyang desisyon at pinaboran ang ZTE na gagawin ang proyekto sa halagang labinglimang bilyong piso.
Ang akin lamang pong tanong. Ano ang biglang nagpabago sa isip ni GMA para ilubog ang bansa sa labing-limang bilyong pisong utang? At bakit, tila napakahalaga ng deal na ito dahil nagawa niyang saksihan ang pirmahan ng loan agreement doon sa bansang Tsina noong April 21, 2007, habang ang kanyang mister ay halos agaw-buhay sa ospital?
Ang katotohanan, ang tunay na halaga ng proyekto ay 130 million dollars, pero ito ay naging 330 million dollars dahil sa napakalaking tong-pats ng mag-asawang Arroyo at mga kasabwat.
Ito po ang pilit na itinatago ni GMA kaya nilito niya ang taong-bayan sa pamamagitan ng kung ano-anong panunuhol at pagtatakip. At hanggang ngayon, ang orihinal na kontrata ay ayaw ilantad at sinabing nawawala.
Ako ay saksi, sa pagiging sunod-sunuran ni GMA sa kanyang ‘midnight cabinet’ na binubuo ng kanyang asawa at ng mga kapitalistang oligarchs na nagpopondo upang masigurong mananatili siya sa kapangyarihan.
Sino ang nasa likod ng smuggling sa langis, mga auto at pangarerang kabayo?
Ano ang dahilan at umasa si GMA sa importasyon ng bigas kahit na ang ating bansa ang siyang balon ng kayamanan pagdating sa bigas at rice research production?
Bakit ginagawa niyang pulubi ang ating mga kababayan at pinapipila para manglimos ng 500 pesos para tumanaw ng utang na loob sa kanya, gayong ang perang ito ay nagmula din sa pawis ng taong-bayan?
Bakit nananatili siyang manhid at ayaw tanggalin ang VAT sa langis kahit dumaraing sa gutom ang mga drivers at mahihirap?
Yan ay mga tanong na naghahanap ng kasagutan mula sa Pangulo, na ang istilo ng pamamahala ay nagpalawig sa kultura ng suhulan, pagtatago sa katotohanan at short-term solutions sa ating mga problema.
Ang buong katotohanan, ang ZTE deal ay isa lamang sa maraming transaksiyon na pinagkakuwartahan ng mag-asawang Arroyo. Ang kanilang kasakiman ang dahilan kaya maging ang mga alagad ng simbahan ay nanindigan laban sa kanila.
Ito rin ang dahilan kaya nagkaisa ang aming pamilya na pumanig sa katotohanan, kahit ang kapalit nito ay ang pagsira sa aming dangal sa pamamagitan ng paggamit sa buong puwersa ng Malakanyang.
Kung tutuusin, mas tahimik at napaka-ginhawa po marahil ng aming buhay kung nanatili kaming bulag sa panloloko ni GMA.
Pero nang mawala ang pinakamamahal naming bunsong anak na si KC, naunawaan kong sadyang maikli lamang ang buhay kaya mahalagang gawin natin kung ano lamang ang tama, para sa kaligtasan ng ating kaluluwa.
Sa gitna ng mga sakripisyo, nagpapasalamat po kami dahil naging instrumento ang aming pamilya upang mailigtas ang sambayanang Pilipino sa isang napakalaking utang.
Hindi po namin alam kung ano ang hahantungan ng pagsubok na ito sa kasaysayan ng aming pamilya at ng ating bansa. Pero sa bawat umaga, we draw inspiration from our faith and look to God to guide us through the most difficult times.
Ngayong hapon, nais ko po na muling magpasalamat sa bawat isa sa inyo dahil sa patuloy n’yong pakikibaka para sa katarungan.
Ang pakiusap ko lamang po, huwag po nating hayaang maisantabi sa dahon ng kasaysayan ang mga kasalanan ni GMA sa taong-bayan----mula sa Hello Garci, sa fertilizer scam, sa ZTE, ang iba pang mga anomalous transactions na involved ang Arroyo family, at sa ginawa niyang pagpapahirap sa ating bayan. Lahat ng ito ay dapat niyang pagbayaran. Higit sa lahat, dapat nating siguruhin, na matapos na ang kanyang kasamaan.
Marami pong salamat sa inyong lahat. Mabuhay ang masang Pilipino!

No comments: